Hindi madaling maging isang OFW – ito ay isang katotohanan. Marami kang maisasakripisyo kapag ikaw ay nagpasyang magtrabaho sa ibang bansa. Unang-una na rito ang iyong pamilyang iniwan sa Pilipinas.
Iisa lang ang pangunahing layunin kung bakit tayo nag-aabroad; ito ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga mahal sa buhay.
Subalit hindi rin maikakaila na maraming pamilya ng OFW ang nawasak dahil sa pangingibang bansa. At ang karaniwang rason ay dahil sa sinubok ang pagiging matapat ng mag-asawa, mapa-abroad man o Pilipinas.
Maraming tukso sa abroad, at ang tukso ay walang kinikilala kahit babae man o lalaki. Paano nga ba ito maiiwasan kapag ikaw ay isang OFW?
Heto ang ilang simpleng paraan:
- Panatilihin ang madalas na kumunikasyon sa pagitan ninyong mag-asawa. Magset ng araw at oras para kayo ay mag-usap kahit sa video chat o telepono. Maaari ring isali ang mga anak para mas malibang at mas updated ang mga bata. Gawin ding madalas ang pagtext o pagchat gamit ang Messenger at iba pang apps. Kahit simpleng “Good morning” o ‘I Love You’ lamang ay sapat nang maiparating na lagi mo silang naalala.
- Gawing prayoridad ang trabaho at hindi ang pakikipagbarkada. Tandaan na pumunta ka sa ibang bansa para kumita ng pera upang matustusan ang naiwang pamilya, at hindi para makipag-bonding sa mga dati mong schoolmates o batchmates.
- Iwasan ang labis-labis na pakikipagkaibigan. Hindi masama ang maglibang sa abroad, subalit sa mga ganitong party at inuman kadalasan nagsisimula ang bawal na relasyon lalo na kapag mayroong nalalasing at nakakalimutan ang sarili. Alamin ang iyong limitasyon.
- Kapag tukso na mismo ang lumalapit, ikaw na ang kusang umiwas. Madaling bumigay, masarap tumikim, subalit malaking pagsisisi ang kahahantungan, ito ang totoo. Alalahanin mo ang iyong mahal na kabiyak na nagtitiis ding katulad mo at ang iyong mga anak na malaki ang tiwala at respeto sa iyo.
- Sumali sa mga sports, religious at civic organizations. Marami nito sa abroad na kapwa-Pinoy din ang kasapi. Ang mga grupong ito ang siguradong aakay sayo palayo sa tukso. Karamihan sa mga grupong ito, lalo na yung mag religious groups, ay may mga aktibidad na gugugol sa iyong bakanteng oras para gawin itong kapaki-pakinabang.
- Kapag mayroong malapit na kamag-anak, sila dapat ang lagi mong puntahan at dalawin. Ito ay sapagkat karamihan sa kanila, bagama’t hindi lahat, ay mayroon ding pag-aalala o concern sayo at sa iyong pamilya.
- Planuhin ang pag-uwi at paghandaan ito kahit malayo pa. Isang magandang pampalipas-oras ay ang pagbubuo ng plano ng iyong mga gagawin kapag ikaw ay muling nagbakasyon. Hindi matatawaran ang excitement na iyong mararamdaman kapag alam mong palapit na nang palapit ang araw ng iyong pag-uwi.
- Kapag mayroon kang extrang pera, gamitin ito sa pagbili ng pasalubong para sa iyong asawa at mga anak, kahit paunti-unti. Ang sobrang pera sa bulsa ang kadalasang nagtutulak sa isang OFW para maglakwatsa at makipagbarkada. Subalit ang pinamagandang gawin dito ay ipunin na lamang at itabi para mayroon kang maiuuwi sa susunod mong bakasyon.
- Sikaping patatagin ang pagsasama ninyong mag-asawa kahit pa kayo ay magkalayo. Lagi mong iparating sa iyong kabiyak na mahal mo ito at lubos ang iyong pagtitiwala sa kaniya. Hikayatin din siyang gugulin ang oras sa mga makabuluhang bagay.
- Maging bukas dapat ang mag-asawa sa isa’t-isa at hindi nagtatago ng anumang bagay, maging ito man ay suliranin. Walang problema sa pamilya ang hindi nalulutas ng pag-uusap at ng wagas na pagmamahalan.
Totoong mahirap ang buhay ng isang OFW. Minsan ay gusto rin nating maglibang para mapawi ang kalungkutang ito, kahit panandalian lamang. Subalit laging alalahanin na ang lahat ng sakripisyong ito ay may magandang sukli – maging tapat ka lamang sa iyong pamilya at minamahal.
Leave a comment