Ang internet ang maituturing na isa sa pinakamakapangyarihang imbensiyon sa larangan ng teknolohiya sa makabagong panahon. Ito ang pinagkukunan ng impormasyon, balita at kadalasan ay siyang pangunahing paraan ng paglilibang at pagpapalipas-oras.
Sa kasalukuyan, ilang bahagdan na lamang yata ng mga tao sa buong mundo ang walang access sa internet.
Ngunit katulad ng karamihan sa makabagong teknolohiya, ang paggamit ng internet ay mayroon ding panganib lalo na kapag ito ay inabuso o ginamit nang walang kaakibat na responsibilidad.
Ang kabataan sa kasalukuyan, lalo na yaong mag edad 18 pababa, ang siyang madalas malantad sa mga panganib na ito dahil sa kanilang kapusukan marahil na rin sa kulang pa sila sa pag-unawa ng tunay na kaganapan sa mundo.
Bilang isang magulang, responsibilidad natin na pangalagaan ang kapakanan ng ating mga anak at protektahan sila sa mga katulad na panganib.
Komunikasyon
Unang-una na dapat isaalang-alang ng magulang ay dapat maging bukas sila sa kanilang mga anak sa mga ganitong bagay nang sa gayon ay hindi magtatangkang magtago ang bata ng anuman sa kanila.
Napakahalaga na maiparating ng magulang ang kanilang agam-agam at pangamba upang maunawaan ito ng mga bata.
Ang masinsinang pag-uusap ay makatutulong upang maiparating ng magulang ang kanilang saloobin.
Maging bukas at subalit maging istrikto rin.
Maglagay ng rules o patakaran sa bahay
Bagama’t kadalasan ay ginagamit ng mga batang nag-aaral ang internet para sa research o pagsasaliksik, hindi ito nangangahulugan na walang limitasyon ang kanilang pagbababad dito.
Maglagay ng oras kung kalian at hanggang anong oras lang sila maaaring gumamit ng internet. Ipatuapad ito ng mahigpit upang magkaroon ng ‘sense of responsibility’ ang mga bata.
Ang control ng wi-fi, lalo na ang password, ay dapat laging nasa magulang upang anumang oras ay maaari nila itong i-off.
Magtakda rin ng kaukulang parusa sa sinumang lalabag sa patakaran.
I-monitor ang gadgets na ginagamit ng mga bata
Bagama’t may mga batang hindi sasang-ayon dito, mahalaga na iparating sa kanila na bilang magulang ikaw pa rin ang masusunod kahit na tumutol man sila.
Kung mayroong mga password o PIN ang kanilang mga cellphones, tablets at computers, dapat ay may access din dito ang mga magulang.
Sa ganitong paraan, magkakaroon ng pagdadalawang-isip ang mga bata na abusuhin ang paggamit ng internet, kung hindi man dahil sa takot, ay dahil sa respeto sa kanilang magulang.
Gumamit ng mga ‘ filtering apps’
Kung ikaw ay isang ‘techie’ na nanay o tatay, maraming apps sa internet na maaaring ma-download upang ma-filter ang mga sites na maaaring puntahan ng mga bata. Pag-aralan ang mga ito at gamitin para mamonitor ang kanilang online activities.
Ito ay upang malimitahan ang mga websites na maaaring dalawin ng mga bata at dapat ay mga age-appropriate lamang ito.
Huwag hahayaang mag-online shopping ang mga bata mag-iisa
Ito ay lubhang mapanganib, hindi lamang sa kapakanan ng mga bata kundi sa bulsa rin ng mga magulang.
Kapag may gusto silang bilhin online, dapat ay alam ito ng mg nakatatanda at kailangang may pahintulot nila.
Posible kasi na kung ano-ano na lamang na makita nila at magustuhan ay bilhin nang wala kayong kaalam-alam, gayung wala namang pakinabang ang mga ito at pagsasayang lang ng pera.
Limitahan ang paglalaro ng mga online games
Mahirap gawin subalit kailangan, lalo pa’t maraming nagsusulputang online games na pwedeng i-dowload kahit sa cellphone lamang.
Karamihan sa mga larong ito ay nagpo-promote ng karahasan (violence) bukod pa sa salitang ginagamit ng mga manlalaro na halos ay nagmumurahan at nagpapalitan ng insulto.
Hangga’t maaari, payagan lamang silang maglaro ng mga ‘harmless’ at ‘educational na games.
Alamin ang mga ‘friends’ nila sa social media
Facebook, Twitter at Instagram – mga social media na kinawiwilihan ngayon ng kabataan.
Dapat ay alam ng mga magulang ang mga ‘friends’ ng kanilang anak o kung sino man ang ka-interact nila sa social media.
Karamihan ngayon ay nagiging biktima ng cyberbullying na may panganib na dulot sa mga bata.
Gawing habit ang family bonding
Kapag nawiwili sa online games ang mga bata, marami itong dahilan at isa na rito ang kakulangan ng kumunikasyon sa pamilya.
Ibig sabihin, wala silang makausap o kaya ay hindi masyadong nabibigyan ng atensiyon kaya naghahanap sila ng mapaglilibangan upang doon gugulin ang oras.
Samakatuwid, mahalaga na ang pamilya ay nag-uusap at nagbobonding kahit nasa loob lamang sila ng bahay. Mas magandang gawin ito na ang bawat isa ay walang hawak na gadgets para walang distraction.
Kapag ipinatupad ang oras ng bonding, dapat lahat ay sumunod sa patakaran, maging, o lalo na ang mga magulang.
Marami pang paraan upang ipatupad ang disiplina sa bahay pagdating sa paggamit ng internet at karamihan dito ay nakadepende na rin sa gawi, ugali, pagkakataon at kulturang kinalakihan ng isang pamilya.
Isang huli at mahalagang paalala – gawing isang ‘tool’ ang internet, subalit hindi ito dapat makasagabal sa paghubog at pagpapalaki sa bata sapagkat ito ay obligasyon ng magulang, hindi ng Google o ng Facebook.
Leave a comment