Ilang insidente na nga ba ng ‘Road Rage’ o away-kalsada sa Pilipinas ang nauwi sa madugong kamatayan?
Ang road rage ay walang pinipiling biktima – mapa-mayaman, artista, pulitiko or ordinaryong tao. Sinuman ay maaaring maging biktima o pagmulan nito kapag pinairal ang yabang at init ng ulo.
Subalit hindi lamang yabang o init ng ulo ang pinagmumulan ng away sa kalsada. Marami ring ‘factor’ na nakakapagpalala sa isang mainit na sitwasyon sa trapiko.
Ilan lamang rito ang mainit na panahon, mga tamad na traffic enforcers, masikip na daloy sa kalsada at iresponsableng pagmamaneho tulad ng walang patumanggang pagbubusina, paggamit ng nakasisilaw na ilaw ng sasakyan, pag-counter flow at marami pang iba.
Ang road rage ay kadalasang bunga ng hindi makontrol na galit o emosyon kung saan nagdidilim ang paningin ng isang tao hanggang mawala na sa kanilang matinong pag-iisip.
Paano nga ba maiiwasan ang masangkot sa road rage?
- Magbaon ng maraming pasensiya sa biyahe lalo na kung ikaw ay nagmamaneho. Lahat halos ng mga sasakyan sa kalsada ay nagmamadaling makarating sa kanilang destinasyon. Iwasang makipaggitgitan, bagkus ay ugalian ang magbigay.
- Kapag mayroong mga iresponsableng driver, maging mahinahon. Makabubuting iwasan na lamang sila at huwag nang sitahin pa upang huwag pagmulan ng gulo.
- Kapag nasangkot sa insidente, ‘wag maging maangas kahit pa alam mong hindi mo kasalanan. Lahat ng bagay ay nadadaan sa usapan.
- Kapag ang kabilang partido ang agresibo, mas makabubuting huwag na lang munang bumaba ng sasakyan. Makabubuting tumawag ng pulis o maykapangyarihan upang ayusin ang gusot.
- Kapag ikaw naman ang agrabyado, panatilihin pa rin ang hinahon at pasensiya. Kausapin ng maayos ang kabila at huwag aastang hindi ka tinatablan ng bala o kutsilyo.
- Kung sakaling ikaw ang may kasalanan, humingi kaagad ng pasensiya sa naagrabyado. Ang pag-amin ng mali ay hindi isang karuwagan at nakababa ng pagkalalaki bagkus ito ay tanda ng isang sibilisadong tao.
- Sikaping maging responsible sa kalsada at ipairal palagi ang pagkakaroon ng respeto sa kapwa motorista.
- Kapag nagmamadali at may hinahabol na oras, isipin palagi na mas mainam na makarating nang ligtas at buo kahit late sa iyong
- Kapag ikaw ang driver at mayroong pasahero, isipin palagi ang kanilang kapakanan at kaligtasan subalit huwag ding kalilimutan ang sarili at ang mga naghihintay sayo sa bahay. Hangga’t maaari huwag magpakabayani kung hindi naman kinakailangan.
- Kapag ikaw ay nakasaksi ng isang insidente ng road rage, huwag nang makialam pa upang ‘di masangkot o madamay sa away. Ang pinakamabuting gawin ay tumawag ng pulis o traffic enforcer upang siyang umawat sa gulo.
Paalala lang na ang kalsada ay lugar na ginawa para sa mga sasakyan at pasaherong nais makarating sa kanilang paroroonan, at hindi arena ng mga mandirigmang mayayabang at naghahanap ng sakit sa katawan.
Leave a comment