Paano mag Renew ng Driver’s License sa ‘Pinas

Ang Driver’s License (DL) ang isa sa pinakamahalagang identification cards (IDs) hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa alinmang bahagi ng mundo. Ito ay dahil sa ang DL ay isa sa mga tinatanggap na valid ID para sa anumang transaksyon, mapa-gobyerno man o pribado.

Kamakailan lamang ay pinalawig na ng Land Transportation Office’s (LTO) ang bisa ng DL dito sa bansa, mula sa dating tatlong (3) taon at ginawang limang (5) taon na

philippine driver's license

Ang pag-uusapan natin dito ay kung paano i-renew ang inyong driver’s license na maaari niyong matapos sa loob lamang ng ilang oras, pero depende rin siyempre sa branch ng LTO kung saan kayo magre-renew.

Kaya mahalagang piliin ang branch na hindi masyadong matao at malapit lamang sa inyong lugar, kung maaari.

Mahalaga ring tandaan na piliin ang araw at oras kung kailan kayo magre-renew sapagkat kadalasan ay maraming tao at maaari kayong abutin ang pagsasara ng opisina kapag medyo hapon na napagpasiyahang niyong gawin ito.

Mga Kailangan

Unang-una siyempre ay dapat ninyong dalhin ang lumang lisensiya na nais nyong i-renew. Tandaan na kailangan ang personal appearance sapagkat kukunan kayo ng larawan, fingerprint at pirma sa loob.

Maaaring mag-aaply ng renewal 1 buwan bago ang nakatakdang expiration ng ID subalit hindi lalampas ng 2 taon matapos ang expiration date nito.

Para sa mga expired na ID, ang kaukulang multa ay:

  • 1 araw hanggang 1 taon: P75.00
  • 1 taon at 1 araw hanggang 2 taon: P150.00
  • Mahigit 2 taon: P225.00 at kailangan muling mag-take ng LTO Written and Practical Exams

Maaaring i-download sa website ng LTO ang renewal form at i-print na ito bago pumunta sa branch. Subalit maaari ding sa branch na lamang ito hingin at punuan ng kaukulang impormasyon.

Huwag siyempre kalilimutan ang perang pambayad sa renewal at medical (eye) exam.

Step 1

Kadalasan ay nagbibigay ng queue number sa LTO para maayos ang pila ng mga aplikante. Magtanong lamang sa information kung saan nagsisimula ang pila.

Kapag natapos nang punuan ang renewal form, ibigay ito sa officer na nakatalaga. I-evaluate nila ito saka ka pagbabayarin para sa medical exam.

Step 2

Ang halaga ng medical exam ay P290 – P350, depende sa branch. Hintayin lamang ang iyong number na tawagin at pagkatapos ay eeksaminin ang inyong paningin kung malinaw o hindi.

Kapag pumasa, ikaw ay maaari nang magtungo sa isang Window para sa iyong unang picture at signature. Dito ay kukunin ang mga hawak mong dukomento at maghihintay din na tawagin para kunan ng larawan at pirma.

Computerized na halos lahat ang proseso kaya mabilis na ito, maliban na lamang kapag magkaroon ng problema ang system ng LTO, na tinatawag nilang ‘system down’ at inaanunsiyo sa mga aplikante sakaling mangyari.

Step 3

Dito ay kailangan mo nang magbayad sa cashier. Ang halaga ng babayaran sa renewal ay P585 para License Fee at P67.63 para sa Computer Fee para sa kabuuang P652.63

Matapos magbayad, antayin muling tawagin ang number para sa iyong biometrics.

Step 4

Dito ay muli kang kukunan ng pangalawang set ng larawan at pirma subalit ilang segundo lang ang itatagal ng proseso. Kukunin din ang iyong fingerprint para sa kanilang record.

Bago nila tuluyang i-encode sa system ang iyong impormasyon, tatawagin ka para personal na i-check ang mga ito kung walang mali o nakaligtaan.

Step 5

Aantayin mo na lamang na tawagin ka para sa pag-release ng iyong bagong Driver’s License card na mayroon nang validity na 5 taon.

Tandaan na kapag ang expiration date ng lisensya ay nagkataong pumatak sa holiday o weekend, dapat ay ma-renew agad ito hanggang sa huling araw ng working day bago ang nakatakdang petsa ng expiration.

Leave a Reply